Wednesday, November 28, 2007

SI NENE AT AKO


Sa pagtilaok ng tandang paghudyat ng bukang liwayway
Pamumukadkad ng mga bulaklak sa hardin ay kumakaway
Naghanda ako sa aking paglisan paharap sa kanluran
Lumalakad ng marahan sa direksyong patutunguan
Hawak ko ay panulat, papel at librong patungan

Ilang metro mula sa bahay ang aking malalakbay

Patungo sa burol na tanaw ang karagatan
Sa aking paglalakad ay aking nadaanan
Mga batang naglalaro doon sa may tindahan
Sa bandang upuan ay pawang mga kalalakihan
Paglalaro ng dama ang kanilang paligsahan
Tumbang preso at piko sa mga munting kabataan
Hagikhik ng tawa kapag lata ay tinatamaan
Gamit ang tsinelas na kabibili pa lamang


Hindi kalayuan munting nene ang aking natanaw
Naka-upo sa kapirasong kahoy sa gilid ng tindahan
Walang tsinelas at kay dungis na tingnan
Tila ang dumi nya ay mula pa sa nakaraan
Latay ng sipon sa pisngi sa kahapong nagdaan
Kung aking huhulaan siya’y nasa ikapitong gulang
Kay gulo ng buhok nya hindi halos masuklay
Gunit gunit ang damit kay laki sa kanyang katawan
Kulay libag na ang puti hindi na halos malabhan


Sa kanilang tapat ako ay tumigil sandali

Lakas ng tawanan ng mga bata..may kasama pang pagtili
Subalit para kay nene pigil ang kanyang pag-ngiti

Para bagang siya’y punong puno ng pighati
Ilang minutong nagdaan ako’y kanyang sinulyapan
Sulyap na animo’y mayroong pag-aalinlangan
Salo nya ang pisngi ng kanyang dalawang kamay
Naglulupang mga siko may markang nakabalatay
Kay duming mga kuko animo’y puro patay


Maya-maya pa’y akin nang naulinigan
Mga sigaw ng ina sa mga anak na naturan
“Oyyy tama na ang laro at maghanda na sa pagpasok”
Sa boses ng ina ay sila’y nagpulasan
Natirang nakatayo ang latang pinaglalaruan
Natira namang naka upo si nene sa kinalalagyan
Nag iisang musmos sa lugar sya ay naiwan
Dumadampot sya ng batong ipinupukol sa kawalan
Hanggang napasulyap syang muli sa aking direksyon
Sabay tungo ng ulo nilaro ang lupang nakabunton
Para sa kanya sapat ng laruan iyon
Sa dala nyang kahirapan, na sa balikat nya’y nakapatong


Sa aking pag iisip habang sa kanya’y nakamasid
Bakit hindi sya natinag sa mga sigaw na naulinig
Paghahanda sa pagpasok upang dunong ay makamit
Tataglaying talino, medalya ng karunungan ay maisabit
Habang patuloy siya sa paglalaro ng tumpok ng buhangin
Ako ay tumayo sa aking pagkaka-upo
Landas ng mga paa sa kanya ay patungo
Paglapit sa tindahan, ale pabili nga po
Bigyan nyo ako ng tinapay na may palamang bukayuan
Akin lamang pong iaalay sa batang kinalulugdan


Aking natanong ang tinderang pinagbilhan
Sino po ba ang kay dungis na batang iyan?
Sagot ng tindera wala siyang magulang
Subalit may mga kapatid tatlo yata ang bilang
Ang ama’y naroon sa konstraksyon sa kamaynilaan
Bihirang umuwi abala sa pinagkakakitaan
Lagi lang syang nakaupo dyan tuwing umaga at sa hapunan
Nanonood sa mga naglalaro na mga musmos na kabataan
Hindi nakikihalubilo kung kanikanino man
Subalit may bait at punong puno ng paggalang
Masunuring bata at ang talino ay kanyang taglay
Ako ay naki-usap sa tinderang di katandaan
Pwede ko ba syang isama sa aking pupuntahan?
Doon sa burol na tanaw ang karagatan
Kung siya’y hahanapin doon sya ay puntahan
Akin lamang pong uusisain buhay nya at kukwentuhan

Sige isama mo at nang siya ay malibang
Lagi kasing tahimik at hindi nakikipagkaibigan
Sa mga kalaro nya gusto nya ay mag-isa lamang


Nene, eto ang tinapay para sa iyo iyan
Galing sa akin binili ko kay inang
Mayroon pa akong baon tubig dito sa lalagyan
Kaunting matamis na bao atin itong pagsasaluhan
Siya’y tumingin sa akin at mata ay namumungay
Parang galing sa pag-iyak sa magdamag na nagdaan
Kamay nya ay pinunasan sa damit sabay abot ng tinapay
Kumagat ng kapiraso, ang pag-nguya ay dahan dahan
Gusto mo bang sumama sa akin doon sa burol tanaw ang karagatan?

Doon tayo’y maglalagi at doon kita’y kukwentuhan
Sagot nya’y “sige po doon po ba sa dalampasigan?
Pumupunta po ako doon kapag hanap ay katahimikan”


Ako ay namangha sa kanyang tinuran
Sagot ay kay bilis at walang halong kalungkutan
Aliwalas ng kanyang mukha’y doon ko nakitaan
Dungis sa pisngi ay nabiyak sa kagalakan
Gusto kong malaman ang bumabalot sa kanyang katauhan

Para bagang ang nabanggit ko’y lugar ng paraiso
Sa kanyang tainga ay marinig lagi ay gusto
Habang hawak kamay ko sya, sa paglakad ay deretso
Patungo sa burol doon sa paraiso


Bago kami naupo ay amin munang tinanaw
Kagandahan ng paligid sa mata ay pumupukaw
Luntiang paligid, kalangitan ay bughaw
Repleksyong katapat sa dagat ay lumilitaw
Hanging kay lamig, humihimig sa kalakasan
Mga paru-parong dumadapo sa mga bulaklak na nasa parang
Lupang kay ganda para sa mga bagong sibol na halaman
Huni ng mga ibong sa tainga ay umaalingawngaw
Sa saliw ng himig ng hangin, sila ay sumasayaw


Ako ay naupo sa malaki at malagong puno
Subalit si nene ay naiwang nakikiramdam at nakatayo
Agad kong inilabas ang dala kong panulat, papel at librong tangan
Magsisimulang bumuo ng isang bagay na labis na kinagigiliwan
Pagbuo ng isang tula mula sa inspirasyong kagigisnan
Munting musmos na nasa aking harapan
Aking ibubuo ayon sa kanyang kasaysayan
Sa buo nyang pagkatao, may anino ng kalungkutan
Sa murang isip nya pighati ang kanyang kalaban
Tanaw ko sya sa kanyang kinatatayuan
Hindi ko maarok ang nasa puso nya’t isipan
Nakikita kong nangingilid ang kanyang mga luha
Bahagya ng bumuka ang bibig may binigkas na kataga


“inay…nasaan ka bakit ako’y iniwan..
bata pa ako’t malambot pa sa karamdaman
sa umaga paggising ko wala sa aki’y nagbibigay
mainit na kape o gatas at may palamang tinapay
sa gabing malamig hanap ko ay ikaw
init ng mga yakap mong pumapawi sa ginaw
himig mo sa akin…tulog na sanggol kong mahal
sa bisig mo’y doon mo ako palaging idinuduyan
“inay…kailan ko muling mararamdaman
ang mga yakap mong kay higpit paminsan minsan
sa aking paggising walang halik na dumadampi
sa aking noo, pisngi at murang mga labi
inay sabik na ako sa iyo sa tuwina ay kailangan
paano na ako na sanggol mo, kasama mo sa iyong tiyan
kalinga mo sa akin ipinagkait mo’t kinalimutan
inay….inay…nasaan ka bakit ako’y iniwan…

Sa aking namalas napagtantong totoo sa budhi ko ay natamaan
Parang dibdib ko’y sasabog sa aking naulinigan
Hindi ko na namalayan lamig ng tubig sa pisngi ko naramdaman
Luha ng awa sa musmos na bata sa aking harapan
Munting anghel na kapiling ko’y hanap ang pagmamahal
Mula sa isang ina sa katawan ay pinagmulan
Siyam na buwang tiniis sa kanyang sinapupunan
Kapalit ng ilang saglit iniwan at tuluyang kinalimutan
Diyos ko sukli ba ito ng mapang aping tadhana
Anong kasalanan ng murang pag iisip at siya ang nataya
Sa mga kalupitan ng buhay na hindi pa nila lubos na unawa
Sakdal bang kay lupit ng bawat kapalarang itinakda

************
Ang tula ko pong ito’y buong puso kong iniaalay
Sa lahat ng mga anak na iniwan ng magulang
Hatid po nito’y pag alala sa madilim na nakaraan
Mapait na kahapong, may aral na laman
At para po sa mga magulang na tuluyang kinalimutan
Ang kanyang mga supling na galing sa sariling buto at laman
Isipin nyo po muna ang mga supling bago ang inyong kapakanan
Kalingain ang mga anak dahil sila ang tunay na gintong kayamanan

(Orihinal na inilimbag ni aborja / Hunyo 2, 2005)

MAY ARAL BANG HATID ANG KASAMAAN

Ang pagkabahala, pighati at dalamhati ang mga anino ng buhay. Walang puso sa mundo ang hindi nakaranas o dumaranas ng marubdob na sakit, walang isip na umaapaw o lumiligwak sa malabong tubig ng lawa ng kaguluhan, walang mata na hindi lumuha ng nakabubulag na patak ng hindi maipalawanag na pagdadalamhati. Walang tahanan kung saan ito’y higit na nasisira, ng mga karamdaman patungo sa kamatayan, damdamin ng pusong naghihiwalay sa kapwa puso, at pagtalikod sa nakakaraming madilim na bahagi ng buhay. Sa isang malakas at hindi inaasahang tibay at lawak ng kasamaan, ang lahat ay mas o hindi nagiging biktima ng isang hindi napakagandang pagkakataon. At ang pighati, lungkot at kamalasan, ang mga ito’y laging nag iintay sa bawat nilikha.

Sa layuning makawala o sa ibang kaparaanang makadahilanang pag alpas sa anino ng dilim, ang lahat ay mabilis at pikit mata sa pagninilay sa bawat paraan at tamang daan kung saan ang pag asa ay kinagigiliwan upang pumasok sa kaligayahan at hindi na tuluyang makawala o lumipas pa. Ang ilan ay ang mga nilikha na higit sa kalayaan ang tinatamasa para sa sariling kapakanan, yaong mga taong nagpapakalunod sa luho ng buhay, tulad ng mga taong mapagmahal sa kagandahan kung saan isinasara nila ang kanilang sarili sa dalamhating hatid ng buhay at nagtatamasa na lamang ng mga karangyaang dulot ng kanilang walang hanggang kayamanan at katanyagan. Sumusunod lamang sa kung ano ang magiging kapalit sa lahat ng nakakamit batay sa mga bagay na naturan. At ang ilan pa ay ang mga taong naghahanap ng kaunting pagkalinga sa pagpapadama ng mga kabanalang tungkulin.

At para sa lahat, ang kaligayahang hangad ay hindi nalalayong makamit at ang spirito ay pansamantalang kumakalma sa magandang segurigad at nakalulunod na paglimot sa bawat kasamaan. Subalit dadating at dadating ang mga araw ng karamdaman o mas matitinding pighati, tukso at kamalasan kung saan ito’y pumapasok at sumisira sa walang proteksyong damdamin at ang straktura ng mapagkunwaring kaligayahan ay napupunit sa tuluyang pagkasira. Sa ibabaw ng bawat personal na kaligayahan at pagpupunyagi ay may nakabitin na matulis na pighati na handa ano mang oras upang bumagsak at sumira sa spiritwal na damdamin dahil sa kakulangan ng sapat na kaalaman upang ito ay lubos na maunawaan.

Kung minsan ang bawat damdamin ay nakakaramdam na silay nakatagpo na ng katahimikan at kaligayahan na nababalot ng isang matibay na seguridad sa pamamaraang pagsapi sa mga kabanalang tungkulin at ang pagyapos sa matalinong katangian o pagtatayo ng matalino at artistikong layunin subalit ang mas higit na malakas na tukso ay nagpapatunay sa tungkuling walang kabuluhan at hindi kapanipaniwala. Ang pagninilay sa tamang karunungan ay makikitang walang saysay na katibayan o sa bawat sandali ay ang walang katotohanang katauhan kung saan ang paghihirap ng naghahandog ay piraparasong matatapakan ng kanyang sariling mga paa, iyan kang banal na naturan subalit sa puso’t isip na taglay ay kasamaan at paghuhusga sa kapwa ang iyong pinaninindigan.

May paraan ba upang makawala sa masakit at mapighating daluyong ng buhay? May paraan ba kung saan ang kumpol ng kasamaan ay masisira? Ang permanente bang kaligayahan, kayamanan, katahimikan, ay mga walang kabuluhang panaginip? Hindi…Mayroong paraan para sa lahat ng kasamaan at ang dilim ay makakayang puksain sa lahat ng pagkakataon. Mayroong paraan kung saan ang karamdaman, kahirapan o kahit na anong mahirap na kundisyon o pagkakataon ay maipapa isangtabi at hindi na maibabalik pa. Mayroong paraan kung saan ang permanenteng kayamanan ay maseseguraduhan, mababantayan at malaya sa takot na mapabalik sa kahirapan. Mayroon ding paraan kung saan ang walang pagkasira at walang katapusang katahimikan at lubos na kagalakan ay maibabahagi at mauunawaan. Mayroon ding paraan upang mapagbuklod muli ang dalawang pusong pinaluha ng sakit ng dahil sa mga unos at paghamon na kanilang nakamtan. At ang simula ng daan na maglalandas patungo sa pagkakaroon ng pag-unawa ay makakamit ng buong puso.

Hindi sapat na iwalang bahala ang kasamaan, kailangan itong maunawaan. Hindi sapat ang pagdarasal upang mawala ang kasamaan, kailangan mong hanapin ang kasagutan kung bakit ito ay lumalagi sa bawat sinong mayroon nito. AT ANONG ARAL ANG HATID NITO kung ito’y dadampi sa isang katauhan. Ito ay hindi para makamit ang pag-aalala at dingasan ang bawat butil ng tanikala na tumatali sa sino man, kailangan na alamin kung bakit ang tanikala ng kasamaan ay tumatali sa isang katauhan. Kailangan mo bang maging isang suwail na anak upang malaman mo kung ano ang aral na hatid ng kasamaan? Kailangan mo bang maging hindi totoo sa isip at paningin ng iba para malaman mo kung ano ang tunay na aral ng iyong pagbabalatkayo. Sa pagkakataong marami ay nangyayari at doon ay napagtatanto ang bawat kamaliang nagagawa at sa hindi huling pagkakataon ito’y naitatama. Kailangan matutunan ang aral na hatid ng kasamaan ng may pagkukumbaba at pagtitiis dahil ang aral na iyong matututunan at mabibigyan ng perpektong dahilan upang itama ay ang siyang magluluklok sa iyo sa tamang lugar doon sa kalawakan.

Ang kasamaan ay hindi humuhubog sa iyong panglabas na katangian, ito’y damdamin na nasa puso. At sa pagtitiyaga upang ito ay malaman at maihugis ng tama ang puso ay magbibigay landas para madiskubre ang orihinal na pinag ugatan nito….at sa tuluyang paglalandas upang maitama at maituwid ang ano mang pagkakamali o kasamaang nagawa. Ang lahat ng ito’y naitatama at nareremedyuhan at ito nga ay hindi permanente. Sa iba, ito ay nag-uugat sa kakulangan ng kaalaman, ang kulang na kaalaman sa tunay na relasyon ng bawat bagay, sa pagdaan ng panahon kung tayo’y mananatili sa pagwawalang bahala ang kasamaan ay mananatili rin.Walang kasamaan sa kalawakan na nagreresulta ng pagiging ignorante at maaaring hindi mangyayari sa atin kung tayo ay handa na matutunan ang aral na hatid nito patungo sa paglalandas sa mataas na uri ng pag-unawa hanggang sa ito’y mawala. Subalit ang sangkatauhan ay mananatili sa impluwensya ng kasamaan at ito ay hindi nawawala dahil hindi taos sa puso ang pagtanggap ng aral kung saan ito ang magtuturo sa kanila upang maging ganap na tuwid ang bawat baluktot na nagawa. Ihanda ang bawat sarili sa bawat aral na ibibigay ng kasamaan dahil ito ang magbibigay linaw sa mga dilim na kinasasangkutan.

Ang kasamaan ay laging nagsisimbulo ng kadiliman at ang kabutihan ay pagsisimbulo ng liwanag at ang nasa likod ng simbulong ito ay ang tunay na interpretasyon ng tunay na reyalidad ng buhay. Ang liwanag ang kadalasang kumukubkob sa kalawakan at ang kadiliman ay ang simpleng tuldok ng anino na binubuo ng isang bagay na humahadlang sa kaunting kislap ng walang katapusang liwanag kung kaya’t ang katotohanan o liwanag na hatid ng Kataastaasang kabutihan ay ang positibo at ang magbibigay ng tunay na lakas ng buhay. At ang kasamaan ay ang hindi importanteng anino na humuhugis sa sarili upang magkaroon ng pagbabalatkayong liwanag subalit mahahadlangan ng tunay na linaw at magsasara sa kislap ng ilaw na nagpupumilit pumasok sa pintuan ng kabutihan. Kapag ang gabi ay nababalot ng madilim na bahagi at kahit na sa anong bahagi ng dilim na iyon, ang isang lugar ng liwanag sa mundo ay laging nag aabang ng isang napakagandang umaga. Ilagay sa isip na kung dumarating ang madilim na bahagi sa buhay ng may mapait na pagkakataon, pagkabigo at pagdadalamhati ito’y magtatapos sa isang maliwanag at makulay na pangyayari sa bawat buhay.

Sa sariling pagsisikap na alamin ang bawat sarili kailangan ang pagpupursige para makamtan ang katotohanan at hindi lamang bigyang haka-haka ang bawat sagot sa bawat tanong na ang kasamaan ay isang bahagi lamang na dumarating sa bawat isa, isang sariling anino kung saan ang pighati, pagdadalamhati at kamalasan na dumarating sa atin ay itinatakda, at sa pagpapatuloy upang ito’y maunawaan ito ang magbibigay sa bawat isa upang maging matatag, matibay at pagkakaroon ng sapat na katalinuhan upang mapag-aralang mabuti ang aral na hatid nito. Kung sa pagpapatupad mo ng mga katalinuhang ito para malaman ang tunay na reyalidad ng buhay, ikaw ay nasa tamang posisyon para hubugin ang iyong sariling pagkakataon, para palitan ang lahat ng kasamaan at itama ang bawat buhay patungo sa isang magandang kapalaran at bagong pagkatao.